Sunday, June 24, 2007

Panandaliang Aliw

1st year highschool na ako ng natuto na akong mag-commute. Isang traysikel at dalawang jeep papuntang school. Nasubukan ko na rin namang mag-service sa buong elementary ko kaya desidido na akong makipagsapalaran na lang sa trapik at magaksaya ng oras sa paghintay sa jeep na hindi puno.

Masaya mag-commute.Kahit nakakapagod, ‘di naman matutumbasan nito ang ‘adventure’ na makukuha mo sa araw araw. Iba’t ibang mukha, iba’t ibang pangyayari. Minsan, yung nangyari ngayon parang nangyari kahapon pero minsan may mga nangyayaring hindi mo makakalimutan kahit maging lola ka na at lumilipad na ang mga sasakyan, hindi na gumugulong.

At bawat araw, iba- iba rin ang mga nakakasalamuha mong tao. May ubod ng baho, ubod ng pogi, ubod ng ganda na nakakatibo, ubod ng maniac. Exciting hindi ba. Sa tuwing may makakatabi akong kyut, tinututuring kong lucky day ko iyon kahit patayan sa mga quizzes, kahit kaka-bad trip mag-lunch sa 1&2 dahil sa dami ng tao. Tinuturing ko silang panandaliang aliw. Ansaya saya magkaroon ng katabing kyut sa jeep lalo na kapag traffic. Humihiwalay ang reyalidad sa sistema ko habang nag-iilusyon na what if girlfriend ako ng katabi ko, kung kunwari magtulug- tulugan ako at sumandal ako sa balikat niya’y papayag kaya siya o dudukutan niya ako ng cellphone at wallet.. haha.

Marami- rami na rin sila. Merong may mga kasamang GF na insecure na kung makakapit sa boyps nila ay parang tuko. In fairness mukha rin kasi silang tuko. Meron din namang nagpapapampam sa pamamagitan ng pagkanta out of nowhere, hindi ko nga maintindihan kung kikiligin ba ako o matatakot, medyo creepy kasi, marami rin namang BF na BF ang dating pero BF din pala ang hanap nila. Pero sa dinami- dami nila, mayroong nag-iisa na kakaiba talaga. Hanggang ngayon, napapaisip pa rin ako ng puro ‘what- ifs’ sa tuwing naaalala ko siya…

Sa EspaƱa ako sumasakay ng jeep pauwi. 6pm nun, Martes. Pagsakay ko ng jeep, 4 pa kulang. At grabe, ang gwapo ng makakatabi kong yuppie kaya lang mukhang brat at may ere. Pagsakay ko, bumaba yung isang ‘mukhang tatay’ sa gilid sa may labasan dahil nasikipan bigla..ewan. Baka nagka-LBM. Aalis na sana kami nung bumaba siya. At wala kaming choice kundi maghintay ng pupuno sa kulang. Nagmumuni- muni na lang ako habang nakatanaw sa windshield.. bigla na lang may isang kyut na yuppie uli sa labas parang naghihintay ng gf o ng sasakyan. Aba..maskyut ito. hehehe. Matangkad mga 5’10’, clean cut na naka-gel, blue polo, may clutch bag, mukhang papasok pa lang kahit pauwi na. Mukhang typical na leading man sa isang koreanovela. Mala Cyrus ni Kim Sam Soon. Bagay kami maganda rin naman ako at kahit di masyadong matangkad.
Syempre kinapalan ko na mukha ko.

Kaya habang naghihintay, heto na naman ako. Nag-da-daydream kahit gabi na. Tinitigan ko lang siya habang sinasambit sa isipan kong ang swerte naman ng syota nito. Hanggang sa bigla na lang humiwalay ang kaluluwa ko sa katawan ko nang biglang tumingin siya sa akin. Huli na nang ma-realize kong kitang- kita pala akong nakatanga sa kanya sa loob ng jeep dahil bukas ang ilaw sa loob.

Nakakahiya. Kunwari tumingin ako sa cel kung anong oras na. Buti na lang umalis na siya pagtingin ko uli at may dumating na rin na pasahero na kukumpleto sa amin. Napahinga ako nang malalim nang biglang…omygad. Makakatabi ko pala si ‘dreamboy’ huhuhu. Kulang na lang magmaskara ako sa hiya.

Hay.

Sa biyahe, di ako mapakali. Paano, masikip ang jeep at dama ko ang bawat kibot niya. Napagtanto kong hindi rin siya mapakali. Sa aking peripheral vision ay nakikita kong tumitingin siya sa akin. Sinubukan kong tingnan siya habang tinatakip ang mahaba kong buhok. Nahuli niya ako kaya kunwari ay tumingin na lang rin ako sa direksiyon kung saan siya tumitingin yung tipong kunwari ang akala ko may tinitignan din siyang iba. Nakakatawa. Mukhang tanga.

Kinakabahan ako. Nahihirapan akong huminga sa takot na marinig niya at maramdaman ang mabilis at malalim kong paghinga. At ewan kung nananadya siya dahil makailang beses din siyang napapabuntong- hininga at nag- "aahem." Basta kakaiba ang kutob ko. 99.9% sure ako na kapag tumingin ako sa kanya ay kakausapin niya ako.

Pero hindi ako tumitingin. At hindi rin siya tumitigil sa kakatingin. Kulang na lang hawiin niya ang mahabang buhok ko at sinasadya ko namang ibagsak pa ito lalo sa pamamagitan ng pagtungo at pagtulog kunwari. Nakikiramdam ako. Siyempre kailangan maging Maria Clara kahit konti. Hindi ako makapaniwalang nangyayari ito ngayon sa akin...

This is it. This is really is it.

Kaya hinanda ko na ang sarili kong kausapin siya at tanungin kung anong problema niya..
Baka naman akala lang niyang mandurukot ako?! Hehe. Bahala na basta kakausapin ko siya. Huminga ako ng malalim habang sina-psyche ang sarili. Kaya mo yan gurl. At pag- angat ko ng ulo ko...

“Manong diyan lang sa tabi.”

Sabi niya habang tinititigan ako ng tipong "pakshet, bakit ngayon ka lang tumingin sa akin?!! Sana magkita uli tayo...miss."

Sabay hinto ng jeep.

Back to reality.